Thursday, July 13, 2006

I'm with Marieton Pacheco

Kasama Ko sa Isang Aircon Bus si Marieton Pacheco


Kasama ko sa isang aircon bus si Marieton Pacheco. Papunta kami sa Novaliches, dadalaw sa kanyang mga magulang na nagbayad ng kanyang apat na taon sa unibersidad para makapagtapos ng MassComm. Sabado ng hapon at mataas na ang araw sa labas ng bintana, yung tipo ng araw na nagyayaya sa mga balbas-saradong Pari ng Kalsada na umakyat ng bus at ipagkalat ang Salita ng Diyos.

Nakaparada kami kung saan dating nakatayo ang People's Park. Hawak ni Marieton ang aking kamay, at hawak ko naman ang sa kanya. Hawak niya ang kamay ko na parang nakababatang kapatid ko siya, at pareho kaming naglalakad sa loob ng isang haunted house sa Star City. Pinag-iisipan ko na kilitiin ang kanyang palad nang tanungin niya ako tungkol sa tatay ko.

"Close ba kayong dalawa?" Hinintay niya ang sagot ko nang nakangiti.

"Hindi naman kami nangingisada kada-Sabado, o kung ano man. Kilala niya kung sino'ng bagong girlfriend ko, at paminsan-minsan ay tinatawagan niya ako. Pero hanggang dun lang," sagot ko sa kanya. Kalahati dun di totoo. Dati'y sabay kaming nangingisda ng tatay ko tuwing Sabado,
sa tabi ng isang lawa sa Novaliches na may baybaying dati-rati'y dinadaan-daanan niya habang nakamotorsiklo nung bata pa siya't nagrerebelde. Maraming carpa at hito noon sa lawa, pero di puwedeng kainin. Inilalagay namin yung mga huli namin sa isang timba ng tubig mula sa lawa at pagkagat ng dilim ay dali-dali naman naming ibinabalik. Nag-umpisa kami manghuli nung limang taon pa lang ako at tumigil lang kami nang nahirapan na kaming pumunta sa lawa - kung ano mang mga palusot ang ibinibigay niya. Biro ko nga, dati kapag pasko sa bahay naming, ay kung paano naging malapit ang tatay ko sa anim na henerasyon ng isda sa lawa na yun.

"Anung hitsura niya? Magkamukha ba kayo?" Kinakalikot ni Marieton ang balbas ko. "Hindi, hindi kami magkamukha," ang sagot ko sa kanya. Matawa-tawa siya sa sagot ko, pagkatapos ay bumalik siya sa pagkalikot ng balbas ko. "May balbas ba siya?"

Kinalikot ko ang makinis at kalbong baba ni Marieton, at pinag-isipan kung ano pang parte ng kanyang katawan ang di tinutubuan ng buhok. Ikinuwento ko sa kanya kung paano nagkuwento ang tatay ko tungkol sa mga babae at ang kanilang pagmamahal sa mga balbas-saradong lalake.
Napapag-isip kasi sila kung ano pang ibang parte ng katawan ng lalake ang tinutubuan ng buhok. "Pero siyempre, kuwento lang yun. Ako mismo, di naniniwala dun."

Tahimik na nakinig si Marieton sa kuwento ko. Dumungaw siya sa bintana, pataas sa de-lobong Champola sa ibabaw ng gusali sa tapat ng lugar kung saan dati'y nakatayo ang People's Park. Tila naubusan na ito ng lasa, dalawang taon na ang nakaraan.

Tumango si Marieton, tila sinasabing "Okey yun, okey yun." Lumingon siya ulit sa akin, humigpit ang hawak sa kamay ko habang kami'y nagtitigan. "Wala akong problema kung gusto mong magpatubo ng balbas, kung ano man ang rason mo. Pero puwede bang pangakuan mo akong... di ka magpapatubo ng bigote?"

Hinawakan ko ang kanyang mga kamay, tinitigan siya sabay nangako na mananatiling kalbo ang nguso ko habambuhay.

"Di rin naman ako ganun kagaling magpatubo ng bigote e," dagdag ko.

"Salamat at hindi mo ako tinanong kung bakit. Salamat sa pag-intindi," ang sabi ni Marieton sa akin. Hinalikan ko siya't niyakap at pahabol na sinabing "Kahit ano, Marieton, basta ikaw."


Ngumiti si Marieton, sabay yakap sa akin. Nagpaulan ng halik sa ngusong ginawa sana para tubuan ng bigote na ngayon, tutubo rito ay Pag-Ibig.

-Adam David

Note:

1. Marieton Pacheco is a TV-news reporter for ABS-CBN Channel Two and its sister companies. She started out as a news correspondent, but then gained a wider audience during the "Jose Velarde is Joseph Estrada" trial where she was "Christine-On-The-Scene", her finger on the pulse, covering most of the trial proceedings for the ABS-CBN News Channel.

2. Nagba-browse ako sa net nang may nakita akong isang short story about Marieton Pacheco. She's so cute. hehe.

3. This FICTIONAL short story was created by Adam David.

4.
Si Adam David ay kasalukuyang nasa ilalim ng programang BA Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman. Sa ilalim ng programang ito, binabalanse niya ang pagsusulat ng mga kuwento sa Ingles at Filipino, na sa ngayon ay nagagawa pa naman niya nang matagumpay. Rumaraket din siya sa mga proyektong nakasentro sa comics. Ang kuwentong 'Kasama ko sa Isang Aircon Bus si Marieton Pacheco' ay bahagi ng koleksyon ng mga maikling maikling maikling kuwentong ilulunsad ng UP Ugnayan ng Manunulat sa huling linggo ng Agosto, ang 'Lamon.'

-end-

No comments:

Post a Comment